NOGRALES SA SENADO: SUPPLEMENTAL DENGVAXIA FUND IPASA

Rep-Karlo-Nograles

MARIING  umapela si House Appropriations Committee Chairman and Davao City Rep. Karlo “Ang Probinsiyano” Nograles sa Senado na agarang ipasa ang P1.161 billion supplemental budget para sa mga biktima ng Dengvaxia, matapos maaprubahan ng Kamara ang panukala noong Hunyo.

“Ang panawagan ko lang po, before mag-recess ang Congress sa Thursday sana naman po maipasa na ng Senado ‘yung supplemental budget,” ayon kay Nograles.

“Nakapagsimula na ang Department of Health ng mga pagsusuri sa mga pasyente at napuntahan na rin ang mga apektadong komunidad ng mga batang naturukan ng bakunang Dengvaxia, ngunit kailangan ang supplemental budget upang hindi na kumuha pa ng pondo ang DOH mula sa ibang alokasyon,” pahayag ni Nograles.

Iginiit din ng Appro Committee Chairman na ang supplemental Dengvaxia fund ay sisiguro na ang mga pamilyang apektado ng nasabing bakuna ay malalapatan ng kaukulang atensiyong medikal. Nauna nang ipinasa nang walang pagtutol ng buong Kamara ang House Bill (HB) No. 7449 noong Mayo kung saan naglaan ng P1.161 bilyong pondo bilang medical assistance para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia. Ang katumbas na panukala ay nasa period of interpellation pa lamang sa Senado. Ang “supplemental fund” ay kumakatawan sa “partial reimbursement” na ibinalik sa gobyerno ng Filipinas sa pamamagitan ng DOH ng parmasyotikong Pranses na Sanofi Pasteur, na siyang may gawa sa kontrobersiyal na gamot laban sa dengue.

“Nag-aalala lang po ako kasi kung itutuloy nila ‘yung cash-based budgeting ng 2019, tandaan po natin P8.4 billion ang tinapyas mula sa Human Resource for Health Deployment ng DOH. ‘Pag ‘yan po ang nangyari, wala na pong maiiwan na mga nurse na ide-deploy para sa biktima ng Dengvaxia.”

“Sa supplemental budget, naglaan po tayo ng pera d’yan para mag-profiling po at puntahan ng DOH officials at nurses natin ang mga biktima ng Dengvaxia para kumustahin sila, gawan ng baseline study at medical profile. Importante pong maipasa ‘yan para masimulan na po especially since dengue season po ngayon,” ayon sa kongresistang taga-Davao.

Ang Dengvaxia ay unang itinurok sa mga bata sa bansa noong nagdaang administrasyon sa malawakang pagbabakuna laban sa dengue noong Abril 2016. Ngunit matapos mabakunahan nito ang may 900,000 mga batang mag-aaral, inamin ng Sanofi noong Nobyembre 2017 na ang bagong bakuna ay maaaring makapagpalala ng mga sintomas sa mga nabakunahang bata.

Ang nasabing ­programa sa malawakang pagbabakuna  na nagkakahalaga ng P3 bilyon ay sinuspende ni ­Pangulong Rodrigo Duterte. Marami umano sa mga kapwa-probinsiyano ni Nograles ang nabakunahan nito kasama ang mga pampublikong elementarya sa Gitnang Luzon at sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon).

Ayon pa rito, ang Dengvaxia ay nabibili noon at itinuturok sa mga pribadong ospital bago pa man nagsimula ang programa sa malawakang pagbabakuna laban sa dengue.

“Nalaman din natin na nasa 400 indibidwal ang nabigyan ng nasabing bakuna sa Mindanao at ngayon ay tinututukan natin ang kanilang kalusugan. Ang ganitong serbisyo ay dapat na ibi­nibigay din ng gobyerno sa mga batang nabigyan nito. ”

Nag-aalala si Nograles na dahil sa kawalan ng supplemental budget, mapipilitan ang DOH na gamitin ang bahagi ng nakalaang budget para sa ahensiya ngayong taon para tulungan ang mga biktima ng Dengvaxia na ngayon ay patuloy na naoospital.

Comments are closed.