NOMINASYON NG APPCU 2023 BINUKSAN

PORMAL ng inanunsiyo ang pagbubukas ng nominasyon sa mga natatangging personalidad na humuhubog sa magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa ginanap na press conference na dinaluhan mismo ni Counsellor Ji Lingpeng ng Embassy of the People’s Republic of China binigyang diin nito ang kahalagahan ng maayos na ugnayan ng Pilipinas at China.

Inaasahang muling magiging matagumpay ang pagdaraos ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) na gaganapin sa ikalawang linggo ng Hunyo.

Ito ay kasunod na rin ng selebrasyon ng Filipino-Chinese Friendship Day at paggunita ng pormal na diplomatic ties at relasyon na nabuo sa pagitan ng Pilipinas at China noong Hunyo 8, 1975.

Ayon kay Co-Chairperson at APPCU President Sixto Benedicto, ang nomination ay bukas mula January 16 hanggang March 2023 habang ang deadline ng pagsusumite ng nominasyon ay sa darating na Marso 17.

Bukas ito sa mga non-government organization (NGO) na nagsusulong ng people-to-people diplomacy, bilateral understanding at friendship sa pagitang ng Pilipinas at China.

Matatandaang naging matagumpay ang pagdaraos ng APCU noong 2021 at 2022 na nagbigay ng pagpapahalaga sa mga piling personalidad na nagpapanatili ng ugnayan ng dalawang nabanggit na bansa. BENEDICT ABAYGAR JR.