BULACAN – SIMULA na ng paghahanap sa pinakatatanging kabataang Bulakenyo kasabay ng pagbubukas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) ng nominasyon para sa Gintong Kabataan Awards sa taong ito.
Maaaring magsumite ang mga aplikante o mga nais magnomina ng mga kinakailangang dokumento hanggang Hunyo 14, 2019 para sa walong kategorya kabilang ang Gintong Kabataan sa Kagalingang Pang-Akademya at Agham para sa High School at College Level; Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura para sa Indibidwal at Grupo; Gintong Kabataang Entreprenyur; Natatanging Sangguniang Kabataan Council at Natatanging Sangguniang Kabataan Chairperson; Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan para sa Indibidwal at Grupo; Gintong Kabataang Manggagawa para sa Professional Worker, Skilled Worker at Govern-ment Employee; Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports para sa Indibidwal at Grupo; at Gintong Kabataang Bayani.
Sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na patuloy ang mga kabataang Bulakenyo sa pagbibigay ng karangalan sa pan-galan ng dakilang lalawigan.
Aniya, ang mga nominado sa GKA ay dapat ipinanganak o may dugong Bulakenyo o naninirahan sa Bulacan ng hindi bababa sa tatlong taon, edad 15 hanggang 30 taong gulang nang sumali sa mga kategorya maliban sa Gintong Kabataang Entreprenyur, at Gintong Kabataang Manggagawa para sa Professional Worker, Skilled Worker at Government Employee na maaaring makasali ang may edad hanggang 35 taong gulang.
Gayundin, kinakailangang magpasa ang mga nominado ng Entry Form na kumpletong nasagutan, 2 piraso ng Personal Data Sheet na may lagda at litratong 2×2, duplicate copy o certified xerox copy ng mga katibayan, certified na kopya ng sedula para sa 18 taong gulang pataas, sertipikasyon mula sa kapitan ng barangay na magpapatunay ng kanyang paninirahan para sa 17 taong gulang pababa, sertipiko ng Good Moral Character mula sa School Principal ng kanyang paaralan para sa mga mag-aaral o mula sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa mga out-of-school youth, at PSA certified copy ng Birth Certificate.
Pinaalalahanan rin niya ang mga dati ng pinarangalan na hindi na sila maaaring sumali sa parehong kategorya na kanilang pinanalunan.
Para sa karagdagang tanong at impormasyon, maaaring bumisita sa PYSPESO sa Livelihood Training Center, Capitol Compound, Lungsod ng Malolos, Bulacan o tumawag sa (044) 791-9252 o 09063787829.
Kabilang sa mga dating pinarangalan ng Gintong Kabataan sina Richard Gomez, Kyla, Jolina Magdangal, Maine Mendoza, Angel Locsin, Alfred Vargas, Sam Milby, Jay-R at iba pa. A. BORLONGAN
Comments are closed.