NOMINASYON SA PAGKA-CHIEF JUSTICE TINANGGAP NI BERSAMIN

Associate Justice Lucas Bersamin

KINUMPIRMA ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tinanggap na ni Associate Justice Lucas Bersamin ang awtomatikong nominasyon para maging bagong punong mahistrado ng Korte Suprema, kapalit ng pinatalsik na si Maria Lourdes Sereno.

Si Guevarra ay isa sa mga miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) na may mandatong salain ang mga aspirante sa iba’t ibang posisyon sa Hudikatura at Office of the Ombudsman.

Ayon kay Guevarra, si Bersamin ang unang nominado na tumanggap ng nominasyon para sa pagka-Chief Justice ng kataas-taasang hukuman.

Nauna nang tinanggihan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang nominasyon, sa katuwirang ayaw niyang makinabang sa nakalipas na pasya ng mayorya ng mga mahistrado na pumabor sa quo warranto laban kay Sereno.

Alinsunod sa tradis­yon, ang limang pinaka-senior sa mahistrado sa Mataas na Hukuman ay awtomatikong nominado para sa posisyong Chief Justice.

Gayunman, kailangan muna nilang tanggapin ang nominasyon, para maging opisyal ito.

Kinumpirma rin naman ni Guevarra na inaasahang tatanggapin na rin si Associate Justice Diosdado Peralta ang nominasyon.

Itinakda ng JBC ang deadline ng aplikasyon at nominasyon ngayong araw, Hulyo 26, habang ang u­nang deliberasyon ng lupon para sa Chief Justice position ay itinakda naman sa Agosto 3, 2018.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.