NON-OFW NABULAGA SA P4,500 SINGIL SA SWAB TEST

swab test

NABULAGA ang mga non-overseas Filipino worker (OFW) sa P4,500 na sinisingil ng One Stop Shop (OSS) ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para mapadali ang swab test result.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Public Affairs Office Chief Connie Bungag, ang P4,500 na bayad sa COVID-test para sa mga non-OFW  ay upang mapadali ang resulta at mabawasan ang panahon ng pananatili ng mga ito sa hotels na sinasagot ng  Department of Tourism (DOT).

Optional aniya ang P4,500 bayad sa COVID-19 test at ito ay para lamang sa mga pasaherong sumasang-ayon para mabawasan ng mula isa hanggang dalawang araw ang paghihintay sa kanilang resulta sa coronavirus test.

Kung ikukumpara noong mga nakalipas na buwan ay inaabot ang mga nagpapa-swab test ng mula tatlo hanggang limang araw bago lumabas ang resulta ng  COVID-19 test.

Ang mga non-OFW na hindi kayang magbayad ng P4,500 ay maghihintay ng tatlo hanggang limang araw bago lumabas ang kanilang test result.

Samantala, ang mga arriving OFWs ay sagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng PhilHealth ang bayad sa kanilang mga RT-PCR test.

Paliwanag ni Bungag na ang sinisingil ng OSS na P4,500 ay para sa mga non-OFWs o Filipino tourist na galing sa ibang bansa at inabot ng travel restriction na ipinatupad ng pamahalaan dulot ng COVID-19 pandemic.

Isa si Gladys at ang anak nito ang umalma at nabigla pagdating sa NAIA kahapon galing Saudi Arabia nang  tanungin kung gusto niyang magbayad ng P4,500 para COVID-19 test result.

Ang iba naman sa  halip na makipagtalo ay agad na nagbayad ng P4,500 para makuha sa loob ng isang araw ang resulta ng kanyang swab test at makauwi sa kanilang lugar. FROILAN MORALLOS

Comments are closed.