NON-PERFORMING TEACHER EDUCATION INSTITUTIONS PINASISILIP

PLANO ni Senador Win Gatchalian na ipasilip ang estado ng non-performing Teacher Education Institutions (TEIs) o yaong mga kolehiyong hindi pinagmumulan ng mga passer ng Licensure Examination for Teachers (LET).

Ipinahayag ito ni Gatchalian sa isang pagdinig hinggil sa naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Sa parehong pagdinig, ibinahagi ni  Dr. Edizon A. Fermin, chairperson ng Technical Panel for Teacher Education of the Commission on Higher Education (TPTE-CHED), na maglalabas ng isang CHED Memorandum Order para sa unti-unting phaseout ng dalawang uri ng TEIs: iyong mga hindi maayos ang performance sa LET at iyong mga hindi nakasusunod sa pamantayan ng komisyon.

“Susuportahan nitong komite at ng EDCOM ang unti-unting phaseout ng mga underperforming na TEIs. Matagal na naming inirerekomenda ito at tinalakay na rin natin ito sa EDCOM,” pagtitiyak ni Gatchalian kay Dr. Fermin,

“May solusyon sa hindi pagkakatugma ng pre-service at in-service. Ito iyong excellence in teacher education law, kung saan pinatatag natin ang Teacher Education Council at binigyan ng mas malawak na kapangyarihan, kabilang na ang pagbibigay ng mas malaking boses sa DepEd, nang sa gayon ay matiyak ang ugnayan sa pagitan ng pre-service at in-service. Hanggang ngayon, hinihintay nating maipatupad nang ganap ang batas,” ani Gatchalian.

Sa ulat na pinamagatang Miseducation: The Failed System of Philippine Education, pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mababang passing rates sa Licensure Examination for Teachers (LET) at sa mahinang quality assurance ng mga TEIs. Mula 2009 hanggang 2023, ang average LET passing rate sa elementary ay 33% at 40% naman para sa secondary.

Pinuna rin ng komisyon na mula 2012 hanggang 2022, 77 na Higher Education Institutions (HEIs) na may programang Bachelor of Elementary Education at 105 HEIs na may programang Bachelor of Secondary Education ang nagpapatuloy sa kanilang mga operasyon bagama’t wala silang mga graduate na pumapasa sa LET.

Ayon kay Gatchalian, nais niyang isagawa ang pagdinig kasama ang Senate Committee on Higher Education.

VICKY CERVALES