NON-WAGE BENEFITS PARA SA MILYONG MANGGAGAWA-DOLE

Labor-Sec-Silvestre-Bello-III

KASALUKUYANG nagsasagawa ng pag-aaral ang Department of Labor and Employment (DOLE) hingil sa posibleng pagkakaloob ng non-wage benefits sa mil­yon-milyong  manggagawa sa bansa.

Sa kanyang pahayag sa media, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nagsasagawa ng pag-aaral ang grupo ni Labor Undersecretary Ci­ria­co Lagunzad III hinggil sa dagdag na benepisyo para sa mga manggagawa

Ang grupo ni Lagunzad ang naatasang magbigay ng mga rekomendasyon tungkol sa benepisyo para sa mga manggagawa ngunit agad na nilinaw nito na ito  ay ‘non-monetary’.

Ang nasabing hakbang ay sinasabing napapanahon bilang ayuda ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa inflation.

Samantala, inihayag din ng  kalihim na wala pang aksiyon ang Office of the President sa mungkahing P200 na cash subsidy para sa minimum wage earners.

Matatandaang iminungkahi ng DOLE ang naturang halaga para makatulong sa mga minimum wage earner sa epekto ng inflation.

Sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas, inaasahang magiging pinakamataas ang inflation sa third quarter ng 2018.

Kaugnay pa sa mga dagdag benipisyo, nakalusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na magbibigay sa empleyado ng 10 araw na incentive leave with pay bawat taon sa layong pagbutihin ang morale, wellness at productivity ng manggagawa.

Sa botong 203-0, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill No. 6770 na layong amyendahan ang Article 95 ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines.

Kapag naging batas, ang empleyado na isang taon na sa kompanya ay entitled sa taunang service incentive leave na 10 araw mula sa kasalukuyang 5 araw.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.