UMABOT sa P6.42 billion ang buwis na nakolekta mula sa offshore gaming operators (POGOs) at kanilang service providers noong 2019, ayon sa Department of Finance (DOF).
Mahigit doble ang itinaas nito sa P2.38 billion na nakolekta noong 2018.
“This increased tax take was the result of a sustained campaign spearheaded by Finance Secretary Carlos Dominguez III to crack down on errant POGOs and their service providers,” nakasaad sa statement ng ahensiya.
Ayon sa DOF, nasa P5.13 billion na withholding taxes ang nakolekta noong nakaraang taon, P644.07 million na income taxes, P91.13 million na value-added taxes (VAT) at percentage taxes, P81.11 million na documentary stamp taxes at P469.13 million na iba pang buwis.
Target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakolekta ng P27.35 billion na tax liabilities mula sa errant POGOs noong 2019, at hindi bababa sa P2 billion kada buwan.
May apat na POGO service providers ang ipinasara ng BIR dahil sa kabiguang magparehistro at sa iba’t ibang tax violations.
Ipinadlak nito ang New Oriental Club 88 Corporation, ang pinakamalaking POGO service provider sa bansa, noong nakaraang taon, at ang Pasig City branch ng Xpoint Technology Philippines Corp. sa kaagahan ng buwan dahil sa kabiguang iparehistro ang kanilang operasyon.
Ipinasara rin, subalit pinayagang makapag-operate ulit makaraang bayaran ang kanilang back taxes ang Great Empire Gaming and Amusement Corp. at ang Altech Innovations Business Outsourcing, na nasa Quezon City at Parañaque City, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi pa ng DOF na may 108,914 foreigners ang nagtatrabaho sa 218 POGO service providers.
Sa isang joint memorandum circular na nilagdaan noong nakaraang taon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay inatasan ang mga foreign worker na kumuha ng Taxpayer Identification Numbers (TINs) bago sila mabigyan ng work permits. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.