(Noong 2023) AGRI SECTOR BUMILIS ANG PAGLAGO

MAS bumilis ng 1.2% ang paglago sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2023, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Matatandaang bago umupo si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) ay pansamantalang naging agriculture chief ang mismong Pangulo.

Ayon kay Bureau of Plant Industry Director Gerald Glenn Panganiban, ginagawa ni Pangulong Marcos ang lahat upang mas umunlad ang sektor ng agrikultura ng bansa.

Kabilang sa mga naging kahanga-hangang hakbang ni Pangulong Marcos ang pagpaspas nito sa Senate Bill No. 2432 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na magbibigay ng mas mahigpit na parusa laban sa hoarders at smugglers. Inutakan pa nga niya ang smugglers sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga nakumpiskang bigas sa mga mahihirap na pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagbigay rin si Pangulong Marcos ng bagong buying price ng palay na nagpataas sa kita ng mga magsasaka. Malaki rin ang naitulong ng pamimigay ng pamahalaan ng libreng rice seeds, fertilizers, at technical support para sa mga Pilipinong magsasaka.

Dagdag pa rito, nakatanggap ng fish cage at motorized boats ang mga mangingisda; samantalang tractors, harvester, hauling trucks, at iba pang makinarya at kagamitan naman ang nakuha ng mga magsasaka.

Nakinabang din ang mga magsasaka at mangingisda sa pagbubukas ng Kadiwa stores at pagpapatayo ng cold storage facilities. Bukod sa direktang maibebenta ang mga produkto sa mga negosyante nang walang middlemen, hindi rin masasayang ang mga isda at gulay.

Ipinagmamalaki naman ni Pangulong Marcos ang nakumpletong 51% na farm-to-market roads. Mula sa target nitong 131,000 km, 67,000 km o katumbas ng 32 times na road trip mula Aparri hanggang Jolo na ang nagawa ng pamahalaan. Dahil sa farm-to-market roads, napadali ang paghahatid ng mga magsasaka at mangingisda sa kanilang mga produkto.

Isa rin sa mga hinangaang hakbang ni Pangulong Marcos ang kautusan niyang gamitin ang sobrang pondo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund upang tulungan ang mga magsasaka. Sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law, ilalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund ang makokolektang taripa. Gagamitin ito para sa mga programang nakatuon sa pagpapataas ng ani.

Dahil sa mga naging inisyatiba ni Pangulong Marcos at ng DA, nakapagtala ng pinakamataas na ani ng palay ang bansa ng 20.06 million metric tons noong nakaraang taon.

Nakapag-ambag din ang sektor ng agrikultura ng 9% sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas. Ikinatuwa ni Sec. Laurel ang paglago sa sektor ng agrikultura at kumpiyansa siyang mahihigitan pa ito. Pangako niya, mas patataasin ng ahensiya ang farm inputs at magpapatayo ito ng mas maraming irigasyon, post-harvest at storage facilities; alinsunod sa isinusulong ni Pangulong Marcos na modernisasyon upang matiyak ang food security sa bansa.

DWIZ 882