(Noong 2023) P1.60-TRILLION BINAYARANG UTANG NG PH

MAS malaking halaga ng utang nito ang binayaran ng national government noong nakaraang taon, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos ng BTr, ang debt payments noong 2023 ay nagkakahalaga ng P1.60 trillion, mas mataas ng 23.9 percent kumpara sa P1.29 trillion na binayarang utang noong 2022.

Ang halaga ay mas mataas sa P1.55 trillion debt payment na naunang iprinograma ng pamahalaan.

Sa kabuuang debt payments noong nakaraang taon, P975.27 billion ang napunta sa amortization, mas mataas ng 23.4 percent sa binayaran noong  2022 na P790.32 billion.

Samantala, ang interest payments ay tumaas ng 24.9 percent sa P628.33 billion mula P502.85 billion.

Ayon sa BTr, P435.74 billion ang napunta sa  interest payments sa domestic lenders at P192.59 billion sa foreign creditors.

Hanggang katapusan ng Disyembre 2023, ang kabuuang utang ng Pilipinas ay nasa P14.62 trillion.

(PNA)