(Noong 2023) P99.98-B DIVIDENDS NAKOLEKTA SA GOCCs

NAKAKOLEKTA ang Privatization and Corporate Affairs Group ng Department of Finance (DOF) ng kabuuang P99.98 billion na dibidendo mula sa government-owned or -controlled corporations (GOCCs) noong nakaraang taon.

Sa isang statement noong Lunes, sinabi ng DOF na mas mataas ito ng 46 percent kumpara sa P68.34 billion na nakolekta noong 2022z

Kabuuang 51 GOCCs ang nag-remit ng dividends sa National Treasury hanggang Dec. 31, 2023.

“The increased dividend collection is a result of fiscal discipline that the DOF continues to instill in GOCCs. These dividends will help manage our deficit and will be used to support the country’s development needs,” pahayag ni Finance Secretary at  Governance Commission for GOCCs (GCG) member Benjamin Diokno.

“Rest assured, the DOF will remain steadfast in its commitment to strictly monitor the performance of our GOCCs, ensuring that they are well-run and are operating within the bounds of national development policies and programs,” dagdag pa niya.

Minamandato ng Republic Act 7656 o ang Dividends Law of 1994 ang lahat ng GOCCs na magdeklara o mag-remit ng hindi bababa sa 50 percent ng kanilang annual net earnings sa  national government.

Ayon sa DOF, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang top dividend contributor noong 2023 na may P55.61 billion, kasunod ang  Philippine Deposit Insurance Corporation na may P14.05 billion.

Ang iba pang  top dividend contributors ay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (P6.96 billion), Philippine Ports Authority (P4.44 billion), Power Sector Assets & Liabilities Management Corporation (P3.15 billion), at Philippine Charity Sweepstakes Office (P2.67 billion).

Ang mga sumunod na  top dividend contributors ay ang  Philippine National Oil Company na may P1.68 billion, Subic Bay Metropolitan Authority na may P1.52 billion, National Transmission Corporation (P1.48 billion), Philippine Reclamation Authority (P1.35 billion), at  Clark Development Corporation na may P1.21 billion.

Ang mga dividends mula sa GOCCs ay ginagamit para pondohan ang pinabilis na implementasyon ng mga programa sa imprastruktura at iba’t ibang social at economic programs ng pamahalaan.

(PNA)