(Noong 2023 – World Bank) GNI PER CAPITA NG PH TUMAAS NG 7.1%

TUMAAS ang gross national income (GNI) per capita ng Pilipinas noong 2023, subalit nanatiling isang lower-middle income economy, ayon sa datos na inilabas ng World Bank.

Sa datos mula sa Washington-based multilateral lender, lumitaw na ang GNI per capita ng bansa noong nakaraang taon ay nasa $4,230, tumaas ng 7.1% mula $3,950 noong 2022.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay lumitaw rin na ang GNI per capita ng bansa (sa kasalukuyang presyo)  ay nasa P241,165 noong 2023, tumaas ng 14.7% mula P210,228 noong 2022.

Ang GNI per capita ay ang final income ng ekonomiya “in a given year divided by its total population.”

Gayunman, ang Pilipinas ay nasa updated bracket pa rin ng World Bank para sa lower-middle income economies sa $1,146 hanggang $4,515, tumaas mula $1,136 hanggang $4,465 sa nakaraang  fiscal year.

Sinamahan ng Pilipinas ang Vietnam, Cambodia, India, Bangladesh, Papua New Guinea, Myanmar, Pakistan, at Timor-Leste sa lower-middle income economy class.

Sa isang statement, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang latest GNI per capita standing ng Pilipinas ay nahigitan ang 2023 target range na $4,130 hanggang $4,203 GNI per capita na itinakda sa Philippine Development Plan 2023-2028.

“The Philippines exceeded its Gross National Income (GNI) per capita target for 2023 under the Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, a testament to the country’s robust economic growth and solid macroeconomic fundamentals,” wika ni NEDA Secretary Arsenio ­Balisacan.