(Noong 2024) INVESTMENT APPROVALS PUMALO SA P1.62-TRILLION

NAHIGITAN ng inaprubahang investment commitments ngayong taon, sa pamamagitan ng Board of Investments (BOI), ang target na itinakda ng administrasyong Marcos, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang statement, iniulat ng DTI na ang investment pledges na inaprubahan ng BOI ay nagkakahalaga ng P1.62 trillion, nalampasan ang P1.5-trillion target para sa 2024.

Mas mataas din ito sa P1.26-trillion na halaga ng investments na inaprubahan ng BOI noong nakaraang taon.

Sinabi ng DTI na ang energy sector, partikular ang renewable energy projects, ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas sa approvals, na nasa P1.38 trillion, tumaas ng 40% year-on-year.

Ang iba pang mga sektor na nagtala ng pinakamataas na pagtaas ay ang air and water transport, real estate activities (mass housing), manufacturing, water supply, sewerage, waste management, at remediation activities.

Samantala, nagtala ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ng P214.17 billion na approved investment pledges, nahigitan ang P200 billion target para sa taon.

Ayon kay DTI T Secretary Cristina Roque, ang mga investment na ito ay lilikha ng mga trabaho, magtutulak sa inobasyon, at magpapasigla sa ekonomiya.

“By focusing on international trade, the country is laying the foundation for sustainable and inclusive economic growth,” pahayag ni Roque.

“As we approach 2025, we are determined to build on this positive momentum. We will continue to refine and implement forward-looking policies that attract investments in these key industries, ensuring that the Philippines remains a prime destination for innovation and growth,” dagdag pa niya.