NAGTALA ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng double-digit increase sa mga pasahero noong 2024, na nahigitan ang pre-pandemic levels at umabot sa bagong record high.
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), may 50.1 milyong pasahero ang gumamit sa main gateway ng bansa noong 2024, tumaas ng 10.4 percent mula 2023, at mas mataas ng 5.1 percent kumpara noong 2019 — ang huling taon bago ang COVID-19 pandemic noong 2020.
Nagtala rin ang NAIA ng 293,488 flights, tumaas ng 4.83 percent mula 2023. Mas mataas din ito ng 8.08 percent kumpara noong 2019.
Iniulat din ng NNIC ang average on-time performance (OTP) na 83.36% sa panahon ng peak holiday travel mula December 30, 2024 hanggang January 1, 2025, na ang mataas na 88.35% ay naitala noong December 31.
“This growth is a clear sign that confidence in air travel has returned, and it motivates us to work even harder,” wika ni NNIC president Ramon S. Ang.
Our goal is to ensure that NAIA provides a better experience for everyone—passengers, airlines, and partners alike,” dagdag pa niya..
Pinamahalaan ng airport operator— binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp.— ang NAIA noong September 14, 2024.
Dating tinatawag na SMC SAP & Co. Consortium, ang NNIC ay lumagda noong March sa isang P170.6-billion concession agreement sa Department of Transportation (DOTr) upang mag-take over sa NAIA makaraang ialok nito ang pinakamataas na share ng future revenues nito sa pagpapatakbo sa gateway sa pamahalaan.
Ang grupo ay nangako ng hindi bababa sa P122.3 billion na capital investments para sa buong 25-year concession period, na katumbas ng P4.89 billion kada taon. Mangangailangan din ito ng upfront payment na P30 billion sa gobyerno at panibagong P2 billion na annual payments para sa buong panahon ng kontrata.