TUMAAS ang benta ng locally assembled vehicles noong Abril ng 21.8 percent sa 37,314 units mula 30,643 units sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa joint report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA), ang benta ng passenger cars at commercial vehicles ay sumuporta sa overall industry growth noong nakaraang buwan.
“On the demand side, positive consumer and business confidence plus stability in automotive finance boosted sales,” wika ni CAMPI president Rommel Gutierrez.
Ang naibentang passenger cars ay umabot sa 10,069 units noong Abril, mas mataas ng 37.6 percent kumpara sa sales na 7,317 units sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, ang benta ng commercial vehicles ay tumaas ng 16.9 percent sa 27,272 units mula 23,326 units noong nakaraang taon.
Para sa unang apat na buwan ng taon, ang benta ng mga sasakyan na in-assemble sa bansa ay tumaas ng 14.8 percent sa 146,920 units mula 127,927 units noong Enero hanggang Abril 2023.
Sa kaparehong panahon, ang benta ng passenger cars ay tumaas ng 19.4 percent sa 38,280 mula 32,070, habang ang commercial vehicle sales ay lumago ng 13.4 percent sa 108,667 units mula 95,857 units.