NAGTALA ang foreign portfolio investments na nakarehistro sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng authorized banks ng net inflows na USD533.95 million noong Agosto.
Sa datos na inilabas ng BSP, ang net inflows ay resulta ng USD1.37 billion gross inflows at gross outflows na USD836.78 million para sa buwan.
Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado.
Ayon sa BSP, ang USD1.37 billion registered investments para sa buwan ay bumaba ng 43.7 percent mula USD2.4 billion noong Hulyo.
Noong Agosto, 51.2 percent ng registered investments ay nasa Philippine Stock Exchange-listed securities.
Karamihan sa mga ito ay inilagak sa mga bangko, transportation services, holding firms, property, at food, beverage and tobacco.
Ang nalalabing 48.8 percent ay nasa peso government securities.
Ayon sa central bank, karamihan sa investments na ito ay nagmula sa Singapore, United States, United Kingdom, Luxembourg, at Malaysia.
Samantala, ang USD212.54 million gross outflows ay bumaba ng 20.3 percent mula USD1.04 billion outflows noong Hulyo.
“The US remains to be the top destination of outflows, receiving USD436.33 million (or 52.1 percent) of total outward remittances,” ayon sa BSP.
Mula Enero hanggang Agosto, ang foreign investments na nakarehistro sa BSP, sa pamamagitan ng authorized agent banks, ay nagtala ng net inflows na USD1.9 billion, tumaas ng 542.9 percent mula USD310.7 million inflows sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
LIZA SORIANO