(Noong Agosto) UTANG NG PH LUMOBO SA P₱14.35-T

LUMAKI pa ang utang ng Pilipinas noong Agosto sa likod ng patuloy na paghina ng piso kontra dolyar, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa isang statement, sinabi ng BTr na ang utang ng bansa ay umabot na sa ₱14.35 trillion hanggang noong Agosto, tumaas ng 0.7% o ₱105.28 billion mula noong Hulyo.

“[It] was primarily due to the peso depreciating from 54.834 to 56.651 against the US dollar over the reference period,” ayon sa treasury.

Year-on-year, ang utang ay lumobo ng mahigit sa ₱1.32 trillion.

Karamihan o 68.2% ng utang ay nagmula sa local sources.

Sa datos, ang domestic debt ay nasa ₱9.79 trillion, bahagyang bumaba mula noong nakaraang buwan dahil sa malaking retail bond maturities.

Samantala, tumaas ang external debt ng 2.9% sa ₱4.56 trillion dahil sa paghina ng piso.

“Peso depreciation against the US dollar caused a ₱146.85 billion upward revaluation of US dollar-denominated debt in August, although partially offset by the ₱22.11 billion downward revaluation of the third-currency debt component,” paliwanag ng treasury.

Magmula noong katapusan ng 2022, ang utang panlabas ng bansa ay tumaas na ng 8.3% o ₱347.98 billion.