(Noong Disyembre) 3.27M PINOY JOBLESS

JOBLESS

BAHAGYANG tumaas ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Disyembre sa kabila ng pagluluwag ng COVID-19 restrictions para sa holidays, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang unemployment rate para sa December 2021 ay pumalo sa 6.6 percent mula sa 6.5 percent sa naunang buwan.

Katumbas ito ng 3.27 million jobless Filipinos na may edad 15 at pataas kumpara sa 3.16 million noong Nobyembre.

Ang employment rate noong December 2021 ay naitala sa 93.4%, mas mababa kumpara sa 93.5%  na naiposte noong November 2021.

Ang buong Pilipinas ay isinailalim sa mas maluwag na Alert Level 2 noong Disyembre, na nagbigay-daan sa muling pagbubukas ng mas maraming negosyo.

Sa industry group, ang services sector ay nanatiling  dominant employment hub na may 26.21 million na na-empleyo o 56.6% noong December 2021.

Nakapag-empleyo naman ang agriculture at industry sectors ng 11.83 million o 25.6% at 8.24 million o 17.8%, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa PSA, mula November 2021 hanggang December 2021, ang top five sub-sectors na may pagtaas sa employment ay ang agriculture and forestry sa 1.07 million; manufacturing sa 325,000; human health and social work activities; 165,000; transportation and storage, 146,000; at administrative and support service activities sa 127,000

Samantala, ang  top five sub-sectors naman na may pagbaba sa  employment sa parehong panahon ay ang fishing and aquaculture sa -393,000; other service activities, -289,000; education, -217,000; public administration and defense, compulsory social security, -80,000; at information and communication sa -78,000

Bumaba naman ang underemployment rate — ang proportion ng employed persons na naghahangad ng karagdagang trabaho —sa 14.7% mula 16.7% noong November 2021.

Ito ang  fifth lowest underemployment rate para sa 2021.

“Underemployed persons are employed persons who expressed desire to have additional hours of work in their present job or to have an additional job, or to have a new job with longer hours of work,” ayon sa PSA.