(Noong Disyembre) INFLATION BUMAGAL PA SA 3.9%

PATULOY sa pagbagal ang inflation noong Disyembre, ayon sa  Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos ng PSA, ang inflation noong nakaraang buwan ay bumagal sa 3.9% mula sa 4.1% noong Nobyembre.

Ang rate noong Disyembre ay pasok sa 3.6% hanggang 4.4% forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa buwan.

Gayunman, ang mas mabagal na December data ay hindi sapat para mapababa ang annual average rate noong 2023, kung saan bigo ang pamahalaan na makamit ang  2% hanggang 4% target range.

Sa isang briefing, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na ang main sources ng pagbaba ng inflation ay housing, water, power, gas and other fuels, at food and non-alcoholic beverages.

Ayon kay Mapa, ang inflation rate sa capital region ay bumaba rin sa 3.5% noong Disyembre. Ang mga lugar sa labas ng  Metro Manila ay nagtala rin ng mas mababang inflation sa 4%.

Dagdag pa niya, walong rehiyon lamang ang nagtala ng mas mababang inflation noong nakaraang buwan.

Ang Bangsamoro ang may pinakamataas na  inflation rate noong Disyembre sa 6.2%, habang ang Cagayan Valley ang may pinakamababa sa 1.6%.