BUMAGAL pa ang inflation rate ng bansa noong Enero sa gitna ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng pagkain, utilities, at transport, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation ay naitala sa 2.8% sa unang buwan ng 2024, mas mabagal sa 3.9% rate noong Disyembre 2023.
Ang inflation print noong nakaraang buwan ay mas mabagal din sa 8.7% na naitala noong Enero 2023. at ang pinakamababa magmula nang mairenistro ang 2.3% noong Oktubre 2020.
Bumagsak din ito sa lower end ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.8% hanggang 3.6%.
“Food inflation at the national level eased to 3.3 percent in January 2024 from 5.5 percent in the previous month. In January 2023, food inflation was higher at 11.2 percent,” ayon sa PSA.
Nakatulong ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng mga gulay, isda at iba pang pagkaing-dagat upang mapanatiling mababa ang headline inflation rate. Bumaba rin ang presyo ng karne, mantika, asukal at mais noong nakaraang buwan.
Gayunman, sinabi ni Mapa na lalo pang bumilis ang rice inflation sa 22.6 percent noong Enero mula sa 19.6 percent noong Disyembre 2023.
Dahil sa mas mabillis na pagtaas sa presyo ng bigas, ang inflation para sa poorest 30 percent ng populasyon ay tumaas sa 3.6 percent.
Ayon kay Mapa, ang iba pang contributors sa pagbagal ng inflation ay ang housing, water, electricity, gas and other fuels na may mas mabagal na annual increase na 0.7% mula 1.5% noong Disyembre 2023.
Bumagal din ang inflation sa National Capital Region (NCR) sa 2.8 percent mula 3.5% noong Disyembre 2023.
Para sa mga lugar sa labas ng NCR, ang inflation ay bumaba sa 2.8% mula 4.0 percent noong Disyembre 2023.