(Noong Enero) RICE INFLATION BUMILIS SA BAGONG 14-YEAR HIGH

SA KABILA ng patuloy na pagsadsad ng overall inflation noong Enero, hindi maawat ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas sa naturang buwan, ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA).

Sa isang press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na bumilis ang rice inflation sa 22.6% sa unang buwan ng taon mula sa  19.6% noong Disyembre 2023.

Ayon kay Mapa, isa itong bagong 14-year high para sa rice inflation o ang pinakamataas magmula noong Marso 2009, nang maitala ang rice inflation sa 22.9%.

Ipinaliwanag ni Mapa na  malaki ang itinaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Sinabi pa ng PSA chief na ang mas mabilis na  rice inflation ay dahil sa low base effect na naitala noong Enero hanggang Hulyo 2023,  nang ang rice inflation ay  “relatively low.”

May mababang base na pinanggalian ang presyo ng bigas,” ani Mapa.

Para ilarawan, sinabi niya na na-monitor ng PSA na ang paggalaw sa average prices ng tatlong klase ng bigas —  regular milled, well-milled, at  special— ay nagtala ng P10 hanggang P11 kada kilo na pagtaas year-on-year.

Para sa regular milled rice, ang average price ay nasa P49.65 kada kilog noong Enero in 2024, tumaas ng 25.4% mula P39.60 kada kilo noong Enero 2023.

Tumaas din ng 25%  sa P54.91 kada kilo ang average price ng well-milled rice noong nakaraang buwan mula sa  P43.92 kada kilo sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Samantala, para sa special rice, ang average price ay nasa P63.90 kada kilo, tumaas ng 18.9% mula P53.76 kada kilo noong Enero 2023.