(Noong Holy Week) HIGIT 1M PASAHERO DUMAGSA SA NAIA

NAKAPAGTALA ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 1,040,707 pasahero mula Palm Sunday hanggang Easter Sunday.

Sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA), mas mataas ito ng 12 percent kumpara sa 926,755 pasahero na naitala sa main gateway ng bansa sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabuuan, 511,073 pasahero ang dumating sa NAIA, habang 529,634 ang departing passengers. Ang bilang ng domestic passengers ay umabot sa 521,154, habang ang international passengers ay nasa 519,553.

Kumpara sa  Holy Week noong nakaraang taon, ang domestic at international passenger volume ay tumaas ng 10 percent at 14 percent, ayon sa pagkakasunod.

Pagdating sa daily average volume, naitala ng NAIA ang pinakamalaking bilang ng mga pasahero – 139, 894 – noong Easter Sunday. Ang pinakamababang passenger volume — pinagsamang international at domestic — ay naitala sa 124,230 noong Good Friday.

Wala ring untoward incident na naitala ang MIAA sa nasabing panahon.

(PNA)