PATULOY ang pagdami ng mga sasakyan sa kalsada, ayon sa datos na inilabas ng mga local manufacturer nitong Huwebes.
Sa joint report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at ng Truck Manufacturers Association (TMI), ang kabuuang bagong motor vehicle sales para sa buwan ng Hulyo ay nasa 39,331 units.
Mas mataas ito ng 0.6% kumpara sa 39,088 units na naibenta noong Hunyo, at 6.1% sa 37,086 units noong July 2023.
“New product launches, improved product offerings, good sales momentum, as well as supply availability helped neutralize the impact of Tropical Cyclone Carina (international name: Gaemi), especially towards the latter part of July,” wika ni CAMPI president Rommel Gutierrez.
Ang commercial vehicles ay bumubuo sa 73% ng total sales na may 194,812 units, habang ang passenger car sales ay may 70,798 units o 27%.
“Sales of Asian utility vehicles (AUVs) stood at 6,626 units, light commercial vehicles at 20,849 units, light-duty trucks and buses at 575 units, medium-duty trucks and buses at 299, and heavy-duty trucks and buses at 65 units,” ayon sa report.
Dahil dito, ang year-to-date sales ay umabot sa 265,610 units, tumaas ng 10.9% mula 239,501 units sa kaparehong panahon noong 2023.
Naunang sinabi ng CAMPI na inaasahan nito ang pagtaas ng benta ng 9% sa 468,000 units ngayong taon mula 429,807 units na naibenta noong 2023, at maaari itong tumaas sa 500,000 dahil ang grupo ay magho-host sa Philippine International Motor Show (PIMS) ngayong taon.