(Noong Hunyo) INFLATION BUMAGAL PA SA 5.4%

inflation

SA IKA-5 sunod na buwan ay bumagal ang inflation noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation ay bumagal sa 5.4% noong nakaraang buwan mula 6.1% noong Mayo, na nagharid sa year-to-date rate sa 7.2%.

Ito ang ika-5 sunod na pagkakataon na bumaba ang inflation mula sa pinakamataas na 8.7% noong Enero.

Ayon kay Mapa, ang inflation noong Hunyo ay pinakamababa rin sa loob ng 15 buwan o magmula noong April 2022 nang maitala ang 4.9% inflation rate.

Ang inflation rate noong nakaraang buwan ay pasok sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 5.3% hanggang 6.1%.

Gayunman, ang year-to-date average ay mas mataas pa rin sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

“Ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation nitong Hunyo 2023 kaysa noong Mayo 2023 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages,” sabi ni Mapa.

Ayon sa PSA chief, ang Food and Non-Alcoholic Beverages index ay nagtala ng inflation na 6.7%, bumaba mula sa 7.4% sa naunang buwan. Nag-ambag din ito ng 36.2% sa overall downtrend noong Hunyo.

“Ang nag-ambag ng malaki sa pagbagal ng inflation ng Food and Non-Alcoholic Beverages ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga meat and other parts of slaughtered land animals, tulad ng manok; fruits and nuts, gaya ng mangga; at sugar, confectionery and desserts,” sabi pa ni Mapa.

Ang ikalawang commodity group na nag-ambag sa downtrend ay ang Transport index, na may inflation rate na -3.1% mula -0.5 noong Mayo. Nag-ambag din ito ng 32.2% sa overall decline.

“Ang nag-ambag ng malaki sa pagbaba ng inflation ng Transport ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng mga gasolina, na may -24% inflation [from -18.6%]; at diesel, na may -32.7% inflation [from -27.7],” dagdag pa ni Mapa.

Samantala, ang ikatlong commodity group na naging sanhi ng pagbagal ng inflation noong nakaraang buwan ay ang Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels na may rate na 5.6% mula 6.5% noong Mayo at share na 26.4% sa overall decline.