(Noong Hunyo) INFLATION BUMAGAL SA 3.7%

NAPUTOL ang apat na sunod na buwan ng pagbilis ng inflation noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni  National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation ay bumagal sa 3.7% noong nakaraang buwan mula 3.9% noong Mayo.

Dahil dito, ang year-to-date inflation print ay naitala sa 3.5%, pasok sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

Ang inflation rate ay pasok din sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas’ (BSP) na 3.4% hanggang 4.2% para sa buwan.

Ayon kay Mapa, ang pagbaba ng inflation rate noong nakaraang buwan ay dahil sa mas mabagal na pagtaas sa  inflation ng Housing, Water, Electricity, Gas, and Other Fuels, at Transport.

Ang Housing, Water, Electricity, Gas, and Other Fuels Index ay nag-ambag ng 65.8% sa pagbaba ng inflation rate noong Hunyo.

Ang utilities index ay nagtala ng inflation na 0.1% mula 0.9% noong Mayo. Ang main contributor sa pagbaba sa utilities ay ang  deplasyon sa electricity costs sa  -13.6% mula  -8.5% month-on-month.

Magugunitang nag-anunsiyo ang pinakamalaking power distributor  sa bansa na Meralco ng P1.9623 per kilowatt-hour (kWh) pagbaba sa singil sa koryente sa Hunyo dahil sa pagpapatupad ng utay-utay na pangongolekta  ng generation costs mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) tulad ng ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission.

Samantala, ang Transport index ay nagposte ng rate na 3.1% noong nakaraang buwan, mas  mabagal sa 3.5% noong Mayo, at nag-ambag ng 13.9% sa overall downtrend.

Ang mas mabagal na  year-on-year increase sa presyo ng gasolina sa  2.3% inflation rate mula 5.2% sa naunang buwan ang pangunahing salik sa pagbagal sa inflation rate ng Transport index.

Nag-ambag din sa overall inflation decrease ang Restaurants and Accommodation Services index, sa  7.4%.

Ang inflation print ng Restaurants and Accommodation Services index ay bumagal sa 5.1% mula  5.3% month-on-month.

Naitala rin ang mas mabagal na inflation rates sa alcoholic beverages and tobacco sa 3.8% mula 4.2%;  clothing and footwear sa 3.2% mula  3.4%; furnishings, household equipment and routine household maintenance sa 2.8% mula 3.1%; at  personal care, and miscellaneous goods and services sa 3.2% mula 3.4%.