HIGIT doble ang itinaas ng subsidiya ng national government para sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) noong Hunyo.
Sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr), lumitaw na ang subsidiya sa GOCCs sa naturang buwan ay pumalo sa P26 billion, tumaas ng mahigit 200 percent mula P7.3 billion noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Mas mataas din ito sa P13.3 billion subsidies na ipinagkaloob sa GOCCs noong Hunyo ng nakaraang taon.
Ayon sa datos, ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang tumanggap ng pinakamalaking budgetary support na nagkakahalaga ng P15 billion.
Pumangalawa ang National Irrigation Administration (NIA) na may P3.5 billion, at pumangatlo ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na may P2.9 billion.
Ang iba pang top recipient GOCCs ay kinabibilangan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PHP1.8 billion), Philippine Fisheries Development Authority (PHP853 million), National Food Authority (PHP471 million), at Philippine Children’s Medical Center (PHP221 million).
Para sa first half ng taon, ang subsidiya ng national government sa GOCCs ay umabot na sa P63.70 billion.
Ang NIA ang tumanggap ng pinakamalaking subsidiya na nasa P21.8 billion.
Sumunod ang PhilHealth na may P15.03 billion, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (P5 billion), at National Food Authority (P4.5 billion).
-(PNA)