NAKABAWI ang exports ng Pilipinas noong Mayo, ang unang pagkakataon magmula noong Nobyembre ng nakaraang taon, ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual.
Tinukoy ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ni Pascual na ang exports noong Mayo ay nasa $6.44 billion, tumaas ng 1.9% mula $6.32 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon kay Pascual, ang paglago ng export ng bansa noong Mayo ay nahigitan ang sa Malaysia, Indonesia, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Aniya, ang pagbawi ng export sales sa unang pagkakataon magmula noong Nobyembre ng nakaraang taon ay sa gitna ng paglakas ng electronics exports, na tumaas ng 6.7% makaraang bumaba mag- mula noong Disyembre ng nakaraang taon.
“This makes us optimistic that the slump has bottomed out and we can expect sustained growth in electronics exports in line with our overall export growth target under the new Philippine Export Development Plan,” dagdag pa niya.
Ang sub-sectors ng electronics industry ay nagtala rin ng double-digit growth rates noong Mayo, partikular ang components and devices, o semiconductors, sa 15.91%, other electronics sa 34.53%, at consumer electronics sa 27.28%.
Ayon pa sa DTI, 12 sa 48 Philippine export commodity groups ang patuloy na nagtutulak sa pagbangon ng export sector ng bansa, na kinabibilangan ng electronics, other mineral products, coconut oil, gold, copper concentrates, pineapple and pineapple products, travel goods and handbags, processed tropical fruits, seaweeds and carrageenan, Christmas decor, fertilizers, at nickel.
Ang electronics sec- tor ay nanatiling pinakamalaking export ng bansa, na bumubuo sa 57.5% ng total exports noong Mayo na may export sales value na $3.7 billion, tumaas ng $231.53 million year-on-year.
Ang top market ng bansa sa unang limang buwan ng taon ay ang China, na may exports na nagkakahalaga ng $4.56 billion, kasunod ang Japan sa $4.24 billion.