(Noong Mayo) UTANG NG PINAS LUMOBO SA P15.35-T

PUMALO ang utang ng Pilipinas sa bagong record-high hanggang noong katapusan ng Mayo, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos ng BTr, ang utang ng bansa ay nasa P15.347 trillion noong Mayo, tumaas ng 2.2% o P330.39 billion mula P15.017 trillion noong Abril.

Ayon sa Treasury, ang paglobo ng utang ng bansa ay dahil sa epekto ng paghina ng local currency sa halaga ng foreign-currency denominated debt.

Sinabi ng BTr na ang piso ay humina laban sa  US dollar mula P57.583:$1 ng end-April sa P58.524:$1 ng end-May.

Ang utang ng bansa noong Mayo ay kinabibilangan ng  68.04% domestic debt at  31.96% external debt.

Ang domestic debt ay nagkakahalaga ng P10.442 trillion habang ang  foreign debt ay nasa P4.904 trillion.

Ayon sa Treasury, ang pagtaas sa domestic debt, sa 1.3% month-on-month, ay resulta ng P131.66 billion net issuance ng government securities at ng P2.68 billion na epekto ng paghina ng piso sa  foreign-currency denominated domestic debt.

Mula noong simula ng  2024, ang domestic debt ng bansa ay lumago ng 4.2% o P424.91 billion habang ang year-on-year growth ay nasa 4.2% mula P9.588 trillion hanggang end-May 2023.

Samantala, ang external debt ay tumaas ng 4.2% month-on-month, habang ang year-on-year increase ay nasa 7.4% mula P4.565 trillion.

“For May, the increase in external debt can be attributed to P122.04 billion in net foreign loan availment and P76.94 billion in upward revaluation of US dollar- denominated debt,” ayon sa BTr.