NUMIPIS ang trade gap ng bansa noong Nobyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang balance of trade in goods (BoT-G) — ang pagkakaiba sa pagitan ng halaga ng exports at imports — ay nagtala ng $4.693-billion deficit noong Nobyembre 2023, mas mababa kumpara sa $5.364 billion noong Oktubre, ngunit mas mataas ng 26.3% kaysa $3.717 billion na naiposte sa kaparehong panahon noong 2022.
Nagkakaroon ng deficit kapag nahigitan ng halaga ng imports ang export receipts, habang ang surplus ay nagpapakita na mas maraming export shipments kaysa imports.
Sa datos ng PSA, ang exports para sa Nobyembre ay nasa $6.126 billion, mas mababa kumpara sa $6.364 billion noong Oktubre at bumaba ng 13.7% mula sa $7.100 billion noong Nobyembre 2022.
Ang pinakamalaking pagbaba sa exports ay naitala sa electronic products na bumaba ng $1.125 billion sa $3.439 billion, sumunod ang coconut oil ng $26.76 million sa $71.82 million, gold ng $18.61 million sa $66.39 million, unmanufactured tobacco ng $16.47 million sa $5.55 million, at electronic equipment and parts ng $16.45 million sa $86.46 million.
Ang manufactured goods ay nag-ambag ng $4.99 billion sa total exports para sa buwan, sa likod ng mineral products na may $596.56 million, at total agro-based products na may $379.71 million.
Ang United States ang main export partner para sa Nobyembre, na bumubuo sa $970.22 million o 15.8%. Sinundan ito ng Japan na may $946.66 million, China na may $821.53 million, Hong Kong na may $921.54 million, at South Korea na may $326.48 million.
Samantala, tumaas ang imports ng 0.02% sa $10.820 billion mula $10.817 billion sa kaparehong buwan noong 2022, at tumaas mula sa $10.758 billion noong Ocktubre 2023.
Ang pinakamalaking pagtaas ay naitala sa import of transport equipment na lumago ng $340.72 million sa $1.167 billion, kasunod ang metalliferous ores and metal scrap ng $146.03 million sa $274 million, miscellaneous manufactured articles ng $108.84 million sa $462.26 million, medicinal and pharmaceutical products ng $42.16 million sa $200.39 million, at iron and steel ng $34.20 million sa $416.03 million.
Ang pinakamataas na imported commodity pagdating sa value ay ang electronic products na may $2.21 billion o 20.4% ng kabuuan. Sinundan ito ng mineral fuels, lubricants, and related materials sa $1.56 billion, at transport equipment sa $1.17 billion.
Pagdating sa major types ng goods, ang raw materials ang may pinakamalaking share ng imports para sa buwan na may $3.92 billion. Ang imports ng capital goods ay nasa $3.03 billion o 28.0%, habang ang consumer goods ay nasa $2.27 billion o 21.0%.
Ang China ang main source ng imports na may $2.72 billion o 25.1%. Sumusunod ang Indonesia na may $1.01 billion, Japan na may $892.17 million, South Korea na may $714.24 million, at United States, $654.52 million.
Ang latest figures ay nagdala sa total trade ng bansa para sa Nobyembre sa $16.946 billion, mas mababa ng 5.4% kumpara sa $17.917 billion noong Nobyembre 2022, at bumaba mula $17.123 billion noong Oktubre.