(Noong Nobyembre) BENTAHAN NG SASAKYAN TUMAAS

TUMAAS ang benta ng mga sasakyan sa bansa noong Nobyembre.

Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association, pumalo sa 40,898 units ang naibentang sasakyan noong nakaraang buwan, tumaas ng 8.5 percent mula 37,683 noong November 2023.

Ang paglago ay pangunahing inudyukan ng benta sa commercial vehicles, na tumaas ng 10.5 percent sa 31,062 units mula 28,114 units sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Nagtala rin ang passenger car sales ng 2.8 percent na pagtaas, na may kabuuang 9,836 units kumpara sa 9,569 units noong November 2023.

Sa month-on-month basis, ang benta ng mga sasakyan ay tumaas ng 2.2 percent mula 40,003 units na naitala noong October 2024.

Sinabi ni CAMPI president Rommel Gutierrez na ang performance noong November ay nagpataas sa kabuuang benta para sa unang 11 buwan ng 2024 sa 425,208 units, tumaas ng 8.8 percent mula 390,654 units na naibenta sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang commercial vehicles ay bumubuo sa 74 percent ng kabuuang bentw mula January hanggang November, habang ang passenger cars ay bumubuo sa 26 percent.