(Noong Nobyembre) GROSS BORROWINGS NG PH BUMABA

LUMIIT ang gross borrowings ng national government (NG) noong Nobyembre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Base sa pinakabagong cash operations report ng BTr, ang gross borrowings ay bumaba ng 48.16 percent sa P65.05 billion noong Nobyembre mula P125.46 billion noong nakaraang taon.

Mas mababa rin ito sa P129.26 billion na naitala noong Oktubre.

Year-to-date, ang gross borrowings ay nagkakahalaga ng P2.49 trillion, mas mataas ng 13.7 percent kumpara sa P2.19 trillion na naiposte sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang domestic debt, na bumubuo sa malaking bahagi ng gross borrowings noong Nobyembre sa P48.88 billion, ay mas mababa ng 59.6 percent at 27.5 percent, ayon sa pagkakasunod, sa P121.02 billion noong nakaraang taon at sa P67.46 billion noong Oktubre.

Para sa unang 11 buwan ng taon, ang domestic debt ay nasa P1.91 trillion.
Samantala, ang foreign borrowings ay tumaas sa P16.17 billion mula P4.44 billion noong nakaraang taon. Gayunman, malaki ang ibinaba nito mula sa P61.8 billion na naitala noong Oktubre.

Hanggang noong Nobyembre, ang foreign debt ay nasa P582.41 billion.
Ang malaking bahagi ng domestic borrowings, o P30 billion, ay nagmula sa fixed-rate Treasury bonds, habang P18.88 billion ang nalikom mula sa T-bills.

Samantala, ang project loans ang bumubuo sa karamihan sa foreign borrowings para sa buwan sa P8.7 billion, habang P7.47 billion ang nalikom mula sa program loans.

Ang financing para sa unang 11 buwan ng 2024 ay nasa P1.26 trillion, bumaba ng 37.3 percent mula P1.99 trillion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Hanggang end-October, ang outstanding debt ng pamahalaan ay umabot sa bagong record high na P16.02 trillion dahil sa mas mahinang piso.

Kabuuang P126.95 billion ang nadagdag sa utang mula P15.89 trillion noong Setyembre, at mas mataas din ito ng P1.54 trillion kumpara sa P14.48 trillion noong nakaraang taon.

Sa kabuuang utang, 32.02 percent ang hiniram sa ibang bansa habang 67.98 percent ang domestic debt.

Ang domestic debt ay pumalo sa P10.89 trillion hanggang end-October, mas mababa sa P10.93 trillion na naitala noong Setyembre subalit tumaas mula P9.90 trillion noong nakaraang taon.

Samantala, ang external debt ay nasa P5.13 trillion hanggang end-October, tumaas ng P173.37 o 3.5 percent mula P4.96 trillion noong Setyembre.