(Noong Nobyembre) PAGLAGO SA FACTORY OUTPUT BUMILIS

BUMILIS ang paglago ng factory output kapwa sa volume at value noong Nobyembre ng nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa pinakahuling Monthly Integrated Survey of Selected Industries ng PSA ay lumitaw na ang Value of Production Index (VaPI) ay lumago ng 2.2 percent noong Nobyembre, mas mataas sa 1.1 percent na naitala noong Oktubre.

Gayunman, ang VaPI noong Nobyembre ay mas mababa kumpara sa 13.2 percent growth sa kaparehong buwan noong 2022.

“The expansion in the annual growth of the VaPI in November 2023 was mainly attributed [to] the slower annual decrease in the manufacture of beverages at 1.4 percent in November 2023 compared with its annual drop of 26.9 percent in the previous month,” ayon sa PSA.

Samantala, ang Volume of Production Index (VoPI) ay lumago ng 1.9 percent, mas mabilis sa  1.5 percent growth noong Oktubre ngunit mas mabagal sa  6.4 percent expansion noong November 2022.

“The higher annual growth of the VoPI in November 2023 was mainly brought about by the same top three industry divisions that contributed to the higher annual rate of VaPI during the period,” sabi pa ng PSA.

Ang mga ito ay ang manufacture of beverages, 11.6 percent annual decline mula 34.4 percent annual drop sa naunang buwan; manufacture of transport equipment, 17.1 percent annual increase mula 5.8 percent annual increment noong October 2023; at manufacture of chemical and chemical products, 2.4 percent annual drop mula 10.9 percent annual decrease noong October 2023.

Ang average capacity utilization rate para sa manufacturing sector ay bahagyang tumaas sa  74.8 percent mula 74.3 percent noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon sa PSA, ang lahat ng industry divisions ay nag-ulat ng capacity utilization rates na mahigit sa 50 percent.

Ang top three industry divisions pagdating sa iniulat na capacity utilization rate ay ang manufacture of machinery and equipment except electrical (80.8 percent), manufacture of transport equipment (80.8 percent), at manufacture of rubber and plastic products (79.9 percent).

(PNA)