TULOY sa pagbaba ang inflation ng bigas sa bansa noong nakaraang buwan sa gitna ng pinagsamang base effects at impact ng reduced tariff rates para sa imported grain, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang rice inflation ay bumagal sa 5.1% noong Nobyembre mula 9.6% noong Oktubre.
Ito ang pinakamababang inflation print para sa bigas magmula noong July 2023, nang maitala ito sa 4.2%.
Ang pagbagal ng inflation para sa bigas magmula noong Agosto ay naaayon sa pagtaya ng PSA na magsisimula itong bumaba sa second half ng 2024 dahil sa base effects, partikular nang magsimula ang uptrend nito noong August 2023, gayundin sa epekto ng mas mababang taripa sa imported na bigas na naging epektibo noong Hulyo.
Iginiit ni Mapa na inaasahan ng PSA ang patuloy na pagbagal ng rice inflation.
Ayon sa PSA chief, ang average retail prices ng bigas sa national level noong Nobyembre ay ang mga sumusunod:
• Regular milled – P49.24 per kilo mula P50.22 per kilo noong Oktubre
• Well-milled – P54.64 per kilo mula P55.22 per kilo noong Oktubre
• Special – P63.72 per kilo mula P63.97 per kilo noong Oktubre