UMAKYAT sa P16.09 trillion ang utang ng bansa noong Nobyembre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Mas mataas ito ng 0.4 percent o P70.7 billion kumpara sa P16.02-T na naitala noong Oktubre.
Ayon sa BTr, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang net financing at ang paghina ng piso.
“The peso depreciated against the US dollar from P58.198 as of end-October 2024 to P58.602 as of end-November 2024,” paliwanag ng Treasury.
Sa kabuuang utang, P10.92 trillion o 67.87 percent, ang domestic debt, habang ang foreign debt ay bumubuo sa P5.17 trillion o 32.13 percent.
Ang domestic debt ay tumaas ng P30.67 billion noong Nobyembre sa pamamagitan ng pag-iisyu ng domestic securities at ng P1.15 billion effect ng paghina ng piso sa US dollar-denominated domestic debt.
Mas malaki ang epekto ng paghina ng piso sa foreign debt ng bansa na tumaas ng P38.88 billion mula sa October 2024 level.
“The significant depreciation of the peso led to a P35.61 billion escalation in the local valuation of US dollar-denominated debt while net foreign loan availments added P8.33 billion,” ayon pa sa BTr.
Kumpara sa debt level sa pagsisimula ng taon, ang domestic debt ng bansa ay tumaas ng P903.73 billion o 9 percent, habang ang external debt ay nadagdagan ng P570.97 billion o 12.4 percent.
Nang umupo sa puwesto si Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong July 2022, ang utang ng bansa ay nasa P12.89 trillion.
Sinabi ng economic managers na bagama’t patuloy sa pagtaas ang utang ng bansa, nananatili itong ‘manageable’ dahil patuloy rin sa paglago ang ekonomiya.