NASA $529.68 million na foreign portfolio investments (FPIs) ang lumabas ng bansa noong Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Mas mataas ito sa $328.19-million outflow sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Kabaligtaran din ito ng $1.03-billion net inflow noong Setyembre.
Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado.
Sa datos ng BSP, ang gross outflows ng ‘hot money’ ay tumaas ng 56.7% sa $2.01 billion noong Oktubre mula $1.28 billion noong nakaraang taon. Lumundag din ito ng 33.4% mula sa $1.5-billion outflows noong Setyembre.
Ayon sa central bank, ang US ay nananatiling top destination ng outflows, tumanggap ng $889.06 million (o 44.2%) ng total outward remittances.
Samantala, tumaas ang gross inflows ng 55.1% sa $1.48 billion mula $954.38 million sa kaparehong buwan noong 2023.
Month on month, ang gross inflows ay bumaba ng 41.5% mula $2.53 billion.
Ang top five investors sa naturang buwan ay ang United Kingdom, Singapore, United States, Luxembourg at Malaysia, na bumubuo sa 87.8% ng foreign portfolio investment inflows.
Karamihan sa investments (54.5%) ay napunta sa Philippine Stock Exchange-listed securities sa mga bangko; holding firms; transportation services; property; atbfood, beverage and tobacco. Ang iba ay inilagak sa peso government securities.
Sa January-October period, ang BSP-registered foreign investments ay nagtala ng net inflow na $2.49 billion, isang turnaround mula $715.43-million outflow sa kaparehong panahon noong 2023.
Sa unang 10 buwan ng taon, ang gross inflows ay nasa $15.02 billion, habang ang gross outflows ay nagkakahalaga ng $12.52 billion.