(Noong Oktubre) BANK LENDING BUMAGAL

BUMAGAL ang paglago ng bank lending habang napanatili ng domestic liquidity ang growth rate nito noong Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP na inilabas noong Biyernes, lumitaw na ang bank lending ng universal and commercial banks (U/KBs), hindi kasama ang mga inilagay sa reverse repurchase facility ng central bank, ay lumago ng 10.7 percent noong Oktubre, bahagyang mas mabagal sa 11 percent expansion noong Setyembre ngayong taon.

Ang outstanding loans na inisyu ng U/KBs ay nagkakahalaga ng P12.5 trillion mula P12.40 trillion noong Setyembre at P11.30 trillion noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ang outstanding loans to residents, net of RRPs, ay lumago ng 10.7 percent noong Oktubre mula 11.3 percent sa naunang buwan.

Samantala, ang outstanding loans to non-residents ay tumaas ng 6.8 percent noong Oktubre makaraang bumaba ng 0.3 percent noong Setyembre.

“Loans for production activities expanded by 9.1 percent in October from 9.8 percent in September, due largely to sustained lending to key industries such as real estate activities; wholesale and retail trade, repair of motor vehicles and motorcycles; and manufacturing,” ayon sa BSP.

“Meanwhile, consumer loans to residents grew by 23.6 percent in October from 23.4 percent in September, driven mainly by increased credit card and motor vehicle loans.”

Samantala, sa preliminary data mula sa BSP ay lumitaw na ang domestic liquidity ay tumaas ng 5.5 percent sa P17.7 trillion, ang parehong paglago noong Setyembre.

Tumaas din ang domestic claims sa 9.8 percent noong Oktubre mula 9.6 percent sa naunang buwan.