BUMABA ang presyo ng bigas sa buong bansa noong Oktubre subalit nanatiling mas mataas kumpara noong nakaraang taon, ayon kay National Statistician Dennis Mapa ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Makaraang iulat na ang inflation noong Oktubre ay bumagal sa 4.9%, sinabi ni Mapa na ang rice inflation — na may major weight sa food basket — ay bumaba sa 13.2% mula 17.9% noong Setyembre.
Ayon kay Mapa, nagkaroon ng malaking pagbaba sa presyo ng regular milled at well-milled rice kumpara noong Setyembre.
Ang average price para sa regular milled rice sa buong bansa ay nasa ₱45.40 kada kilo kumpara sa ₱47.60 kada kilo noong Setyembre.
Bumaba rin ang presyo ng kada kilo ng well-milled rice sa ₱51 laban sa ₱52.70 noong nakaraang buwan.
Samantala, ang presyo ng special rice ay bumaba sa ₱61 mula ₱61.10.
Subalit ang presyo noong Oktubre ay mas mataas pa rin kumpara noong nakaraang taon, kung saan ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice ay nasa ₱39.70; well-milled rice, ₱44; at special rice, ₱53.30 kada kilo.
“Last year, mas mababa ang presyo ng bigas sa tatlong commodity items na tina-track namin,” sabi ni Mapa.