(Noong Oktubre) TRADE DEFICIT NG PH LUMOBO SA $4.174-B

LUMAKI ang trade deficit ng Pilipinas noong Oktubre, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes.

Batay sa preliminary data, ang balance of trade in goods (BoT-G) ay nagposte ng $4.174-billion deficit noong Oktubre, mas mataas sa $3.583-billion deficit noong Setyembre, at sa $3.313-billion deficit noong 2022.

“A deficit indicates that the value of a country’s imports exceeded export receipts, while a surplus indicates more export shipments than imports,” ayon sa PSA.

Ang exports para sa buwan ay naitala sa $6.364 billion, bumaba ng 17.5% mula sa $7.711 billion noong nakaraang taon, at mas mababa kumpara sa $6.732 billion noong Setyembre.

Ang pinakamalaking annual drop ay naitala sa export ng electronic products, na bumaba ng $1.476 billion sa $3.623 billion, sumunod ang copper concentrates ng $43.09 million sa $13.97 million, coconut oil ng $23.22 million sa $114.57 million, gold ng $15.21 million sa $76.58 million, at miscellaneous manufactured articles ng $13.19 million sa $51.93 million.

Ang exports ng manufactured goods ang may pinakamalaking shares noong Oktubre na may $5.19 billion o 81.5%, kasunod ang mineral products na may $599.36 million o 9.4%, at total agro-based products na may $418.49 million o 6.6%.

Ang pinakamalaking recipient ng Philippine exports ay ang United States of America na nagkakahalaga ng $1.02 billion o 16.0%. Sumunod ang Japan na may $902.65 million, China na may $880.37 million, Hong Kong na may  $759.02 million, at  South Korea na may $317.38 million.

Samantala, ang total imported goods noong Oktubre ay nagkakahalaga ng $10.539 billion o mas mababa ng 4.4% kumpara sa $11.024 billion na naitala noong nakaraang taon, ngunit mas mataas sa $10.314 billion noong Setyembre.

Ang pinakamalaking pagbaba ay naitala sa electronic products, na bumaba ng $590.51 million sa $2.194 billion, kasunod ang mineral fuels, bumaba ng  $99.34 million sa $1.792 billion, at other food and live animals, ng $71.48 million sa $409.09 million.

Naitala rin ang pagbaba sa imports ng animal and vegetable oils and fats, na $62.47 million sa $109.73 million, at metalliferous ores and metal scraps, ng $47.18 million sa $219.08 million.

Ang raw materials and intermediate goods ang may pinakamalaking share ng imports para sa buwan na may $3.82 billion o 36.2%, kasunod ang capital goods na may $2.86 billion o 27.2%, at consumer goods na may  $2.02 billion o 19.2%.

Ang top source ng imports ay ang China na may $2.60 billion o 24.7%. Ang iba pa sa top five sources ay ang Indonesia na may  $917.53 million, Japan na may $834.89 million, South Korea na may $785.81 million, at  United States of America, $711.77 million.

Year-to-date, ang exports ay nasa $60.91 billion, habang ang imports ay nagkakahalaga ng $104.97 billion.