(Noong Pebrero) 3.13M PINOY WALANG KAYOD

LUMOBO ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Pebrero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang virtual press conference, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang bilang ng unemployed adults, o yaong may edad  15 at pataas, noong Pebrero ay nasa 3.13 million, o katumbas ng unemployment rate na 6.4%.

Mas mataas ito kumpara sa 2.93 million jobless individuals na naitala noong Enero, na may kaparehong unemployment rate na 6.4% — ang pinakamababa magmula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic lockdowns noong Abril  2020, nang maitala ang  all-time high unemployment rate na 17.6% o 7.3 million jobless.

Ang bilang ng mga walang kayod na Pinoy noong Pebrero ay mas mababa naman kumpara sa 4.19 million unemployed na naitala noong Pebrero 2021.

Ayon sa PSA, ang bilang ng mga nasa labor force ay tumaas sa 48.61 million noong Pebrero  o may participation rate na 63.8%, mas mataas ng 2.6 million noong Enero.

Ani Mapa, hindi lahat ng lumahok ay nakakita ng trabaho.

“Ibig sabihin, naghanap sila ng trabaho pero ‘di sila nakakuha ng trabaho na gusto nila. Sa datos natin, ‘yung looking for work na unemployed ay tumaas mula 1.16 million nung January hanggang 1.94 million nung February,” paliwanag ni Mapa

Nasa 45.48 million adults ang may trabaho noong Pebrero, tumaas ng 2.46 million mula sa naunang buwan. Ang employment rate ay nanatili sa 93.6%.

Ang agriculture and forestry ang may pinakamaraming trabaho sa month-on-month basis sa 1.44 million sa gitna ng mas maluwag na restrictions.

Samantala, ang administrative and support service activities ang may pinakamalaking nabawas na work opportunities sa 263,000.

Iniulat din ng PSA ang 6.38 million underemployed adults – o yaong naghahanap ng mas mahabang work hours o mas magandang job opportunities – noong Pebrero. Mas mababa ng 20,000 noong Enero, ang latest figure ay nagbigay ng underemployment rate na 14%.