(Noong Pebrero) BENTAHAN NG SASAKYAN TUMAAS NG 23%

TUMAAS ang benta ng mga sasakyan ng 23.2 percent noong Pebrero, ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA).

Nakasaad sa joint report ng CAMPI at TMA na ang benta ng mga sasakyan ay tumaas sa 38,072 units noong nakaraang buwan mula  30,905 units noong Pebrero ng nakaraang taon.

Ang benta ng passenger cars ay sumirit ng 34 percent habang ang commercial vehicle sales ay lumago ng 19.8 percent.

Para sa unang dalawang buwan ng taon, ang kabuuang benta ng mga sasakyan ay umabot sa 72,132 units, tumaas ng 19.4 percent mula 60,404 units na ibinenta sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang passenger car at commercial vehicle segments ay kapwa nagtala ng double-digit growth kumpara sa 2023 level.

Ayon kay CAMPI president Rommel Gutierrez, ang maagang marketing campaigns at bumuting inventories na sinuportahan ng matatag na interest rates ay patuloy na nagpapalakas sa customer confidence.

“We hope to keep this momentum and achieve a strong first quarter finish, which will set the outlook for 2024,” sabi ni Gutierrez.

Naunang sinabi ni Gutierrez na target ng industriya na makapagbenta ng 468,300 units ngayong taon, mas mataas ng 9 percent kumpara sa 429,807 units na naibenta noong nakaraang taon.

(PNA)