(Noong Pebrero) UTANG NG PH LUMOBO SA P15.18-T

LUMAKI pa ang utang ng Pilipinas sa P15.18 trillion noong Pebrero, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito ng P388.51-billion kumpara sa naitala noong Enero, at ng P562.43-billion noong December 2023.

Kumpara noong Pebrero ng nakaraang taon, ang numero ay mas mataas ng P1.426-trillion.

Ayon sa BTr, pangunahing dahilan ng month-on-month increase ang domestic borrowings, subalit bahagya itong  napahupa ng paglakas ng piso sa halaga ng foreign debt ng bansa.

Sa paglakas ng piso ay nabawasan ang foreign debt ng bansa ng P26 billion noong Pebrero, habang natapyasan din ng P660 million ang halaga ng domestic debt nito sa pamamagitan ng revaluation ng foreign currency-denominated domestic best.

Sa datos ng BTr, ang foreign debt ay bumubuo sa 30.32 percent ng kabuuang utang habang ang nalalabing 69.68 percent ay domestic debt.

Ang gobyerno ay umutang ng P708.74 billion noong Pebrero, kabilang ang sa pamamagitan ng pag-iisyu ng P584.86 billion sa 5-year retail treasury bonds.