(Noong Pebrero)$531-M NET ‘HOT MONEY’ LUMABAS NG PH

BSP

UMABOT sa $531-million na short-term foreign investments o “hot money” na nakarehistro sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang lumabas ng bansa noong Pebrero.

Kabaligtaran ito ng net inflows na $292-million noong Enero at $274-million noong Pebrero ng nakaraang taon.

Ang net “hot money” outflows ay resulta ng $1.2-billion na gross outflows laban sa $680-million na gross inflows para sa buwan.

Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado.

Ang $680-million gross inflows ng investments para sa buwan ay mas mababa ng 32.3% kumpara sa $1.0- billion na naitala noong Enero.

Mayorya sa mga investment na ito, o 79.6% na nakarehistro, ay nasa Philippine Stock Exchange-listed securities.

Karamihan sa mga ito ay sa mga bangko, holding firms, property, food, beverage at tobacco at electricity, energy, power at water.

Ang nalalabi ay napunta sa investments sa peso government securities (20.4%) at sa iba pang instruments (less than 1%).

Ang top five investor countries noong Pebrero ay ang United Kingdom, United States, Luxembourg, Hong Kong, at Singapore na ma pinagsama-samang share na 82.5%.

Samantala, ang $1.2-billion gross outflows para sa buwan ay mas mataas ng 70.2% kumpara sa gross outflows na $712-million na naitala noong Enero.

Ang US ay tumanggap ng 67.3% ng total outward remittances.