(Noong Setyembre) BENTA NG SASAKYAN TUMAAS

TUMAAS ang year-on-year sales ng automotive vehicles noong September 2024 ng 2.4 percent sa 39,542 units mula 38,628 units sa kaparehong buwan noong 2023, ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA).

Ang passenger car sales ang nagpasidhi sa pagtaas noong nakaraang buwan, na nakapagbenta ng 10,438 units, mas mataas ng 9.2 percent kumpara sa 9,558 units na naibenta noong Setyembre ng nakaraang taon.

Batay sa report, ang commercial vehicle sales ay may flat growth na 0.1 percent sa 29,104 units mula 29,070 units sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ang month-on-month sales noong nakaraang taon ay tumaas ng 1 percent mula 39,155 units na naibenta noong Agosto.

“The increase can be attributed to new stock arrivals and improved promotions from the brands,” pahayag ni CAMPI president Rommel Gutierrez sa isang statement.

Aniya, walang bagong model na inilabas noong nakaraang buwan dahil target ng karamihan sa vehicle companies na ilunsad ito sa 9th Philippine International Motor Show sa Oct. 24-27.

Samantala, ang total industry sales mula January hanggang September 2024 ay tumaas ng 9.4 percent sa 344,307 units mula 314,843 units sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ang passenger cars ay nanatiling main driver ng pagtaas, kung saan ang sales ay tumaas ng 13.4 percent sa 90,765 sa unang siyam na buwan ng taon mula 80,009 units na naibenta sa kaparehong panahon noong 2023.

Pagdating sa volume, ang commercial vehicle segment ang may pinakamalaking share, na may benta na 253,542 units sa unang tatlong quarters, mas mataas ng 8 percent kumpara sa 234,834 units na naibenta sa kahalintulad na panahon noong 2023.

Ngayong taon, ang industriya ay may conservative target na 468,300 units, ngunit sinabi ni Gutierrez na kumpiyansa ang industry players na makakamit ang 500,000 mark sa pagtatapos ng 2024.