(Noong Setyembre) BUDGET DEFICIT PUMALO SA P250.9-B

2019 BUDGET

NAGTALA ang Pilipinas ng budget deficit na P250.9 billion noong Setyembre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito ng 39.6% kumpara sa P179.8 billion sa kaparehong panahon noong 2022.

“The fiscal outturn for the period was underpinned by an 8.06% year-over-year acceleration in expenditures coupled with an 11.57% decrease in government receipts,” ayon sa Treasury.

Gayunman, ang year-to-date fiscal gap ay lumiit ng 2.89% sa P983.5 billion mula P1.012 trillion sa January–September 2022 period.

Sinabi pa ng BTr na ang pinagsama-samang budget deficit ay mas mababa ng 11.11% kumpara sa P1.106 trillion at 66% din ng P1.499 trillion full-year deficit ceiling dahil sa mas mataas na revenue at mas mababang expenditure performance kumpara sa nakaprograma para sa period.

Samantala, nakakolekta ang pamahalaan ng P255.4 billion noong Setyembre, bumaba ng 11.57% mula P288.8 billion noong nakaraang taon.

Dahil dito, ang year-to-date state collections ay umabot sa P2.837 trillion, tumaas ng 6.79% mula P2.657 trillion na nakolekta sa January–September 2022 period.

Ang pinagsama-samang revenue para sa period ay bumubuo sa 76.10% ng P3.729 trillion full-year target at nalampasan ang nine-month goal ng 2.98%.

Sa kabuuang koleksiyon, 89.55% o P2.541 trillion ay nagmula sa mga buwis, habang ang nalalabing 10.45% ay mula sa non-tax sources.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakakolekta ng P152.2 billion noong Setyembre, bumaba ng 12.36% mula P173.6 billion year-on-year.

Sa kabila ng mas mababang koleksiyon noong nakaraang buwan, lumago pa rin ang year-to-date revenues ng BIR sa P1.858 trillion, nalampasan ang P1.732 trillion noong nakaraang taon ng 7.25%.

Nakakolekta naman ang Bureau of Customs (BOC) ng P78.9 billion, bumaba ng 0.47% mula P79.3 billion noong September 2022.

Gayunman, ang January to September revenue collection ng BOC na P660.4 billion ay mas mataas ng 3.43% kumpara sa P638.5 billion na nakolekta noong nakaraang taon.

Nalampasan din ng BOC ang nine-month goal na P644.2 billion ng 2.52% at nakamit ang 76% ng full-year target nito.