(Noong Setyembre) P26.73-T TOTAL ASSETS NG PH BANKING SECTOR

TUMAAS ang total assets ng Philippine banking sector ng 11.3 percent hanggang noong Setyembre.

Sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay lumitaw na ang total assets ng banking sector ay umabot sa P26.73 trillion, tumaas mula P24 trillion noong nakaraang taon.

Mas mataas din ito sa P25.9 trillion total assets na naitala noong Agosto ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni Rizal Commercial Banking Corporation analyst Michael Ricafort na ang mas mataas na kita ng mga bangko ang nag-ambag sa paglago sa assets.

“The continued growth in banks’ net income may be attributed to the double-digit growth in banks’ loan business, up by +11% year-on-year for the biggest banks that boosted banks’ interest income,” sabi ni Ricafort.

Sa latest data mula sa BSP ay lumitaw na ang net income ng mga bangko ay nasa P290.05 billion hanggang noong Setyembre, tumaas mula P272.55 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sinabi ni Ricafort na ang tumaas na banking transactions dahil sa patuloy na pagbangon sa local economy ay nagresulta sa patuloy na paglago sa deposit transactions ng mga bangko at iba pang banking services, na nagresulta sa mas mataas na revenues tulad ng fees at charges.

“Thus, continued growth in net income led to higher capitalization of banks that enabled banks to increase lending and other investment activities, thereby leading to continued growth in banks’ resources,” aniya. ULAT MULA SA PNA