(Noong Setyembre sa gitna ng mahigpit na quarantine restrictions) 4.25M PINOY JOBLESS

LUMOBO ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa pinakamataas na antas nito ngayong taon noong Setyembre sa gitna ng mahigpit na quarantine restrictions sa naturang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang virtual press conference, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang bilang ng unemployed adults — may edad 15 at pataas — ay 4.25 million na katumbas ng unemployment rate na 8.9%.

Mas mataas din ito sa 8.1% unemployment rate o 3.88 million jobless individuals na naitala noong Agosto.

Ang numero noong Setyembre ang pinakamataas din magmula noong Hulyo ng nakaraang taon nang maitala ang 4.57 million unemployed Filipinos o joblessness rate na 10%.

“These results were expected as many parts of the country remained under stringent and blanket quarantines for most of the survey period. In particular, the modified enhanced community quarantine was extended in the National Capital Region (NCR) up to September 15,” wika ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa hiwalay na statement.

Ayon pa sa datos ng PSA, ang bilang ng underemployed individuals — o yaong naghahanap ng mas mahabang work hours o dagdag na job opportunities — ay bumaba sa 14.2% noong Setyembre mula sa 14.7% noong Agosto.

Nasa 43.59 million na indibidwal naman ang may trabaho noong Setyembre, bahagyang bumaba mula sa 44.23 million noong Agosto. Ang employment rate ay nasa 91.1% sa naturang buwan, mas mababa kumpara sa 91.9% noong Agosto.

Sa kabuuan, ang labor force ay binubuo ng 47.85 million individuals noong Setyembre, katumbas ng 63.3% labor force participation rate (LFPR). Ang nasabing bilang ay bahagyang mas mababa kumpara sa 48.12 million tally noong Agosto at sa 63.6% LFPR.

Ang trade and repair ng motor vehicles ang nangunguna sa mga industriya na may pinakamataas na month-on-month increase sa trabaho sa 353,000, kasunod ang public administration and defense; education; construction; at administrative and support service activities.

Umaasa si Chua na  madaragdagan ang bilang ng mga may trabaho ngayong Oktubre sa full impact ng granular lockdowns sa Metro Manila.

“We look forward to the expansion of the alert level and granular lockdown system to the whole country to recover more jobs and livelihoods,” dagdag pa niya.