TUMAAS ang automotive vehicle sales noong September 2022 ng 64.2 percent sa 35,282 units mula 21,493 units sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) and Truck Manufacturers Association (TMA).
Ang benta ng passenger cars at commercial vehicles ay kapwa lumago ng double digits sa 21.2 percent at 83.1 percent, ayon sa pagkakasunod.
Year-on-year, ang passenger car sales ay tumaas sa 7,976 units mula 6,580 units, habang ang commercial vehicle sales ay sumirit sa 27,306 units mula 14,913 units.
Month-on-month, ang industry sales ay tumaas din ng 16.9 percent mula sa benta noong August sa 30,185 units.
Sinabi ni CAMPI president Rommel Gutierrez na naitala ng industriya ang pagtaas sa demand para sa mga bagong sasakyan noong nakaraang buwan.
“The automotive industry foresees a continued growth in the latter part of the year, benefitting from the improving economy based on the recent growth forecast of 6.5 percent this year – attributed to strong domestic demand and continued easing of pandemic restrictions,” ani Gutierrez.
Samantala, ang benta ng CAMPI at TMA mula January hanggang September ngayong taon ay tumaas ng 29.5 percent sa 248,154 units mula 191,605 units sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Year-to-date, ang paglaro ay suportado ng malakas na benta sa commercial vehicles, na tumaas ng 44 percent sa 188,096 units mula 60,982 units.
Samantala, ang passenger car sales sa unang tatlong quarters ng taon ay bumaba ng 1.5 percent sa 60,058 units mula 60,982 sasakyan na naibenta noong 2021.
PNA