SA pangangampanya sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela, sinalubong si Sen. Grace Poe ng matibay na espiritu ng mga Filipino na hindi kayang igupo ng bagyo, tagtuyot at maging ng lindol na yumanig sa Gitnang Luzon.
“Sa Isabela, makikita natin na walang bagyo o tagtuyot na kayang gumapi sa ispiritu ng Filipino. Kung pagtitiwalaan ninyo akong muli, maaasahan ninyong kasama ninyo ako sa pagsusulong ng mga proyektong makatutulong sa mga kababayan nating Isabelano,” sabi ni Poe sa kanyang Facebook account.
Nauna rito sa Cagayan, dinumog ang senadora ng kanyang mga tagasuporta na nagsidagsa sa kanyang paglilibot sa nasabing lalawigan, partikular sa kabiserang Tuguegarao City.
“Mainit man ang panahon at nililindol tayo, pero matatag ang pundasyon ng hangarin nating maglingkod sa inyo.
Salamat, Tuguegarao!” dagdag ni Poe.
Maglalagare si Poe ngayong Huwebes, Abril 25, sa Ilocos Sur at Norte na kabilang pa rin sa tinatawag na Solid North o balwarte ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ang Isabela ay mayroong mahigit 911,000 botante, habang ang Cagayan ay mayroon namang mahigit 647,000 botante.
Ang Ilocos Region naman ay may 3.3 milyong botante at kung isasama pa ang Pangasinan na may mahigit 1,900,000 regis-tered voters ay mahigit limang milyong boto ang makokopo ni Poe sa rehiyon.
Nauna nang sinabi ni Poe na kahit nangunguna siya sa mga survey ay hindi siya magiging kampante dahil patuloy siyang mag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang halalan.
Comments are closed.