NORTH COTABATO FARMERS TUMANGGAP NG P1.2-M POST-HARVEST FACILITIES

NAKATANGGAP ang dalawang organisasyon ng mga magsasaka sa North Cotabato ng post-harvest facilities na may kabuuang halaga na P1,210,000.00 mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang palakasin ang mga produktong agrikultural ng mga magsasaka sa lalawigang ito.

Ang mga pasilidad, na ipinamahagi sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP), ay binubuo ng 4 yunit ng rubber sheets hang-dryers na ibingay sa Banisilan Rubber Farmers Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative ng Banisilan, at isang corn sheller para sa Kitubod Farmers Association ng Libungan.

Layunin ng CRFPS na patatagin ang mga agrarian reform communities sa buong bansa upang mapahusay at mapanatili ang produksiyon sa agrikultura ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang ani at kita upang maiangat ang buhay ng mga kasapi nito.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Evangeline Bueno, ang rubber sheet hang-dryers at corn sheller ay nakadisensyo upang matugunan ang mga suliranin na kinahaharap ng mga magsasaka, partikular sa post-harvest.

“Ibinibigay namin sa mga magsasaka ang mga tulong upang maitaas ang kanilang pagiging epektibo sa pagpapatakbo ng kanilang operasyon at kalidad ng kanilang mga produkto habang tinutugunan ang hamon sa pag-angkop sa pagbabago-bago ng klima,” ani Bueno.

Sinabi ni Banisilan Rubber Farmers Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative Manager Marvin Nadala na ang bagong pasilidad ay makapagbibigay ng karagdagang 90 toneladang kapasidad sa pagpapatuyo kada buwan na dahilan upang mas marami, mas pantay at mabilis ang kanilang pagpapatuyo ng rubber sheet.

“Mas mapapahusay rin nito ang kalidad ng aming mga goma at gawin itong mas competitive sa merkado,” dagdag niya.

Gayundin, ang Kitubod Farmers Association, na matagal nang nagtitiis sa mahabang proseso ng pagkikiskis sa mais ay nagpakita ng positibing pananaw sa bagong kagamitan.

“Makatitipid kami ng maraming oras sa corn sheller na ito at madaragdagan ang aming pagiging produktibo. Ito ay isang game-changer para sa amin, upang mas mabilis naming makikiskis ang mga mais at makapagfo-focus kami sa pagpapalawak ng iba pang aktibidad sa aming sakahan,” ani Association President Miguel Tomarlas.