NORTH LEG NG NSCR 60% NANG TAPOS

The North-South railway project includes the development of a commuter railway network. Credit: ACCIONA

MAY 60 porsiyento nang tapos ang northern leg ng  North-South Commuter Railway (NSCR) project, ayon sa Philippines National Railways (PNR).

Sinabi ni PNR chairman Michael Macapagal na ang Clark to Valenzuela City leg ng NSCR ay kasalukuyang 60% nang kumpleto.

“The Clark to Valenzuela, we believe, can be completed within a span of two years,” sabi ng PNR chairman.

Para sa Metro Manila leg ng NSCR, na kinasasangkutan ng konstruksiyon ng elevated at at-grade tracks at stations mula Blumentritt sa Manila hanggang Sucat sa Parañaque City, sinabi ni Macapagal na ang konstruksiyon ay inaasahang sisimulan sa lalong madaling panahon.

Nauna nang sinabi ni Macapagal na ang Metro Manile leg ng NSCR ay sisimulang itayo sa Oktubre ng kasalukuyang taon. Noong Marso 28 ay sinuspinde ang Tutuban-Alabang operations ng PNR upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng NSCR.

Samantala, ang Alabang-Calamba leg ng NSCR ay nag-break ground  noong Hulyo ng nakaraang taon.

Ang NSCR ay may kabuuang 37 istasyon sa Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna.

Sinabi ng PNR chief na ang buong line ay target na matapos sa 2028.

Ang buong NSCR ay seserbisyuhan ng fleet ng 60 electric multiple-train units.